Viloria handa nang idepensa ang titulo vs Estrada

MACAU--Komportableng nakuha ni Brian Viloria ang tamang timbang at handa nang idepensa ang kanyang mga suot na WBO at WBA flyweight titles laban kay Mexican Juan Francisco Estrada sa Cotai Arena ng The Venetian Hotel.

Tumimbang si Viloria ng 111.3 pounds, habang 112 pounds naman si Estrada para sa kanilang 12-round fight na sisimulan sa alas-10 ng gabi ngayon.

Mabilis na bumaba ng timbangan ang Filipino champion nang hindi ipi­na­pakita ang kanyang muscles.

Nakipagtitigan siya kay Estrada ng ilang segundo kumuha ng ilang bote ng energy drink at nilisan ang entablado.

Mas matangkad si Estrada kay Viloria, at suot ang ipinagmamalaking Mexican hat matapos ang weigh in.

Hinarap niya ang mga camera at tila determinadong pabagsakin si Viloria.

Itataya ni Viloria ang kanyang dalawang korona pati na ang kanyang kinabukasan laban kay Estrada.

Matapos pabagsakin si Hernan “Tyson” Marquez noong Nobyembre, hinirang siyang unang unified flyweight champion matapos noong 1965.

Sampung taon pa la­mang si Estrada nang lumahok si Viloria sa 2000 Sydney Olympics.

Nagmula si Estrada sa isang 12-round loss kay Roman Gonzales para sa world light-flyweight title noong Nobyembre.

Tiniyak ni Viloria na hindi niya maiiwan dito ang kanyang mga korona.

“I’m not going to give up this championship that easy,” sabi ni Viloria.

“I fought my way tooth and nail to get to this point. There’s a lot more ways to go. There are bigger and better things ahead. I don’t know how bigger and better it can get after this but I feel I’m on the right track and I want to stay on this track,” dagdag pa nito.

Plano ng reigning cham­pion na kaagad pa­simulan ang laban at sinabing handa rin siyang sagupain si Estrada hanggang sa 12 rounds.

“I want to use all my tools. It’s all about being able to adjust. We’ll see. That’s always my plan--to start strong and adjust accordingly. I don’t want to fight a one-dimensional fight. My stamina is there. I’ve been going 10 or 12 rounds (in training) without skipping a heartbeat,” ani Viloria.

 

Show comments