Theplib kampeon sa Puerto Princesa Asian Moto

MANILA, Philippines - Pinatunayan ni Arnon “Turbo” Theplib ng Thailand  ang pagiging paborito sa opening round ng 2013 FIM Asia Motocross Supercross Championship (AMSC) nang pangunahan ang mga nanalo sa kompe­tisyong ginawa noong Marso 24 sa Puerto Prin­cesa City, Palawan.

Pinawi ni Theplib ang mahinang panimula nang umarangkada sa third lap para hiranging kampeon sa Asian 125cc/MX2 class.

Pumangalawa sa overall si Tomoya Suzuki ng Japan bago tumersera si Thai Jugkrit Suksripaisan.

Ang mga Filipino ri­ders na sina Kenneth San Andres at Jovie Saulog ang kumumpleto sa unang li­mang puwesto na ikinatuwa ng mga nagsipanood.

Ito ang ika-10 sunod na taon na isinagawa ang kompetisyon sa Puerto Princesa City dahil na rin sa suporta ni Mayor Edward Hagedorn.

Napanatili naman ng nagdedepensang Asian Junior 85cc champion na si Mark Reggie Flores ang titulo nang talunin si Gabriel Macaso sa isang payoff race habang sinilat ni Vilmor Molera ng Pilipinas ang hamon nina Stanley Yasuhiro ng Guam at Siegfred Ornopia ng Cebu matapos dominahin ang Asian Veterans class.

Sumuporta sa ma­ta­gumpay na Philippine Leg ang Repsol, HJC Helmets, Shakey’s Du Ek Sam Inc. Puerto Princesa, Honda Prestige Puerto Princesa, Asia Brewery Inc. at Otto Shoes.

 

Show comments