‘Muggsy’ Bogues darating sa bansa para sa Jr. NBA

MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang mga batang basketbolista na paigtingin ang hangaring makilala pa sa larangan ng basketball sa pagdating ni Tyrone Curtis Bogues para sa 2013 Jr. NBA National Training Camp mula Abril 26-28.

Si Bogues na kilala rin sa taguri  bilang si “Muggsy” ang pinakamaliit na basketbolista na nasama sa NBA sa height na 5’3 at ang pagdating ng NBA Legend ay tiyak na makukuhanan ng inspirasyon ng mga ‘di matatangkad na manla­laro para ipagpatuloy ang pangarap na kuminang sa pinaka-popular na sport sa bansa.

Ang 48-anyos na si Bo­gues ay nakapaglaro ng 889 NBA Games mula 1987 hanggang 2001 sa apat na koponan at siya ay nagtala ng career averages na 7.7 puntos, 7.6 assists, 2.6 rebounds at 1.5 steals sa 28.6 minutong paglalaro.

May pananabik din si Bogues sa unang pagbisita sa Pilipinas dahil sa narinig kung gaano kamahal ng mga Pinoy ang basketball.

“I’ve heard many wonderful things about the Filipinos’ passion for the game of basketball and I’m looking forward to my first visit to the country. I am delighted to have the opportunity to share my skills and knowledge with all the Jr. NBA participants that have worked so hard for their spots at the National Training Camp,” wika ni Bogues.

Ikaapat na NBA Legend si Bogues na makakasama sa Jr. NBA Philippine prog­ram matapos ang pagbi­sita nina BJ Armstrong, AC Green at Luc Longley.  

 

Show comments