MANILA, Philippines - Mapapalaban nang husÂto ang Pilipinas sa ThaiÂland sa Asia Oceania Zone Group II Davis Cup semifinals na gagawin sa Plantation Bay Resort at Spa sa Lapu Lapu City mula Abril 5 hanggang 7.
Ito ay dahil sa paglahok ng mahusay na si Danai Udomchoke para palakasin ng dayong koponan ang tsansang umabante sa Finals.
Ang mananalo sa tie na ito ay kakaharapin ang mananalo sa pagitan ng New Zealand at Pakistan sa Setyembre 13 hanggang 15 para madetermina kung sino ang aabante sa Group I sa 2014.
And 31-anyos na si Udomchoke ay may singles ranking na 210 at makakasama niya sa koponan sina Wishaya Trongcharoenchaikul, Nuttanon Kadchapanan at Pruchya Isarow.
Itatapat ng host team sina Ruben Gonzales, Treat Huey, Johnny Arcilla at Francis Casey Alcantara na mga beterano na rin ng Davis Cup.
Ito ang ikaanim na pagtutuos ng Pilipinas at Thailand sa Davis Cup at angat ang bansa sa 3-2 iskor.
Pero ang mga panalong nakuha ng nationals ay nangyari sa unang tatlong edisyon noong 1959, 1978 at 1985 bago humataw ang Thais ng panalo noong 1998 at 1999.
Ang home court advantage at pagkagamay sa clay court na gagamitin sa torneo ang siyang sasandalan ng Philippine Davis Cuppers para makuha ang panalo.