MANILA, Philippines - Nasa tamang puwesto si Phil Younghusband sa isang mahalagang opensa ng Philippine Azkals upang angkinin ng host country ang 1-0 panalo sa Turkmenistan at pagharian ang 2014 AFC Challenge Cup Group E Qualifiers na nagtapos kagabi sa Rizal Memorial Football Stadium.
Mahusay na nasipa ni Dennis Cagara ang bola laban sa mga Turkmen defense at bagamat hindi nakuha ito ni Javier Patino, naroroon naman si YoungÂhusband na nasipa ang bola at sinuwerteng tumalÂbog sa defender ng katunggaling koponan diretso sa goal sa 66th minuto ng taÂgisan.
Nagkaroon pa ng mga pagÂkakataon angTurkmen na makaiskor pero ang matibay na depensa na nakaangkla sa goal keeper na si Roland Muller ang nag-unsiyami sa mga pag-atakeng ito ng bisitang koÂponan.
Ang panalo ay una ng Pilipinas matapos ang tatlong pagkikita upang pagharian ng Azkals ang idinaos na kompetisyon bitbit ang malinis na 3-0 karta.
Naibaon din ng Azkals ang 2-1 pagkatalo sa kamay ng Turkmenistan sa semifinals ng 2012 Challenge Cup sa Nepal.
Si Younghusband ay tumapos taglay ang limang goals para iangat na rin sa 33 ang bilang ng mga goals na naiskor sa international tournaments na nilahukan.
Tinapos naman ng 2012 Challenge Cup runner-up Turkmenistan ang labanan sa 2-1 karta pero sila ang kumuha ng ikawalo at huling puwesto sa 2014 Maldives Challenge Cup dahil sa hawak na 9 goal difference.
Ang India na umasang makukuha ang mahalaÂgang puwesto sa Maldives ay napatalsik dahil sa apat na goal difference lamang.
Samantala, naipakita na ng Azkals kung gaano sila kabangis lalo na kung magsasama-sama sa isang kompetisÂyon.
Sa linyang ito, umaasa si Azkals coach Hans Michael Weiss na hindi sasaÂyangin ng Pilipinas ang lakas na taglay ng koponan para mas lalong makapagbigay ng karangalan sa bansa.
Naiukit ng Azkals ang pinakamatikas na panalo sa mahabang taon nang ilampaso ang Cambodia, 8-0, noong Linggo ng gabi.
Ang pinakamatinding panalo na naitala ng PilipiÂnas sa football ay nangyari noon pang 1917 Far Eastern Games sa pamamagitan ng 15-2 panalo sa Japan.
Noong Nobyembre 14, 2006 ay umani ang Azkals ng 7-0 panalo sa Timor LesÂte noong 2007 AFF ChamÂpionship Qualifier na ginawa sa Panaad Stadium sa Bacolod.