Bangungot ng 2012 challenge cup ibabaon: Azkals gaganti sa Turks

MANILA, Philippines - Sasandalan ng Philippine Azkals ang momentum na nakuha mula sa pi­nakamatinding panalo na nairehistro ng bansa sa loob ng maraming taon sa pagharap sa Turkmenistan sa pagtatapos ngayong gabi ng 2014 AFC Challenge Cup Group E Qualifiers sa Rizal Memorial Sports Com­plex.

Parehong may dalawang  panalo ang Azkals at Turkmen at ang mananalo sa larong magsisimula sa ganap na alas-7:30 ng gabi ay papasok na sa Challenge Cup sa Maldives sa susunod na taon.

Sakaling magtabla ang dalawang koponan, pareho rin silang uusad sa Maldives pero ang Pilipinas ang kikilalaning kampeon dahil sa mas magandang goal difference.

Inilampaso ng nationals ang Cambodia, 8-0, noong Linggo para magkaroon ng kabuuang 11 goal difference matapos ang dalawang laro habang ang Turkmen ay may 10 GD mula sa 7-0 tagumpay sa Cambodia no­ong Biyernes.

Sakaling matalo ang alinman sa Pilipinas o Turkmenistan papasok pa rin sila sa Maldives basta’t hindi malalamangan ng pito at anim na goals ayon sa pagkakasunod.

Ang India ang naghaha­bol sa ikawalo at huling pu­westo sa Maldives bitbit ang 2-1 karta at may apat na goal difference.

Ang 8-0 panalo ang pinakamatinding tagumpay sa international tournament ng Pilipinas matapos ang 15-2 panalo sa Japan no­ong 1917.

“We would go for the win,” wika  ni Azkals coach Hans Michael Weiss na ka­ting-kati na rin na maipaghiganti ang nalasap na 1-2 pagkatalo sa Turknemistan sa semifinals ng 2012 Challenge Cup sa Nepal.

“We are in the  driver’s seat and we want to show the same performance against Turkmenistan,” dag­dag ng German coach.

Wala  ring balak si Weiss na magpalit ng manlalaro sa mahalagang tagisang ito at mangangahu­lugan na si Roland Muller pa rin ang tatayong goal  keeper habang ang mga oopensa ay pamumunuan ni Phil Younghusband, Javier Patino at Stephan Schrock.

Ang mawawala lamang ay si Paul Mulders na binigyan ng red card sa huling laro. “They are a good team and they scored seven goals but we scored eight. It shows that they should be afraid of us,” wika ni Younghusband na naghatid ng apat na goals sa huling tagisan.

Pinanood ng Turkmen ang laban ng Azkals at Cambodia at tiyak na ginamit nila ang mga nakitang kahinaan ng pambansang koponan para manalo uli at dominahin ang Group E.

 

Show comments