Karipas pataas ang Air21

Hindi na puwedeng maliitin ang Air21 Express sa kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup dahil tila nakuha na ni coch Franz Pumaren ang tamang kum­bi­nasyon at ang tamang import.Naghintay lang siya ng panahon upang mabuo ang chemistry ng kanyang koponan.

Sinimulan ng Express ang kanilang kampanya sa pa­mamagitn ng 74-70 panalo kontra crowd-favorite Barangay Ginebra San Miguel.

At maituturing na impressive ang panalong iyon dahil sa hindi lang ang Gin Kings ang kanilang katunggali kundi ang buong coliseum na pro-Ginebra.

Pero siyempre, puwedeng sabihin ng karamihan na bano naman ang import ng Barangay Ginebra noon na si Herbert Hill at talagang outclassed siya ni Mi­chael Dunigan.

Kaya naman si Hill ay hindi nagtagal at pinalitan ni Vernon MackLin. Sa pagdating ni Macklin ay nabago ang takbo ng pangyayari para sa Gin Kings na sa oras na sinusulat ito’y may three-game winning streak. Kalaban nila kagabi ang Barako Bull  at hindi pa natin alam ang resulta ng larong iyon.

Pero hindi naman Barangay Ginebra ang pinag-uusapan natin kundi Air21.

Matapos ang panalo kontra Gin Kings ay nakatikim ng limang sunud-sunod na kabiguan ang mga bata ni Pumaren. At sa puntong iyon, marami ang nagsabi na tila papunta na naman sila sa kangkungan at walang mangyayari sa kanilang kampanya.

Pero teka, ang limang dikit na talo ng Express ay pawang mga dikdikang laban kung saan sa dulo na lang nagkatalo. Katunayan, ang average losing margin ng Air21 sa limang laro ay 3.4 puntos lang.

Kumbaga’y anybody’s ballgame iyon, Puwedeng nanalo ang Express kung nagkaroon lang sila ng poise sa endgame.

Pero dahil sa mga bata nga ang manlalaro ni Pu­maren at iilan lang ang kanyang beterano, tumukod sila sa dulo.

Pinatid ng Express ang five-game losing skid sa pamamagitan ng 106-94 tagumpay laban sa na-ngungu­lelat na Globalport. Well, sinabi ng karamihan na expected ang panalong iyon. Kasi nga, kulelat ang Globalport, e.

Pero pinatunayan ng Express na kaya rin nilang talunin ang nangungunang Alaska Milk, 74-68 sa sumu­nod na game nila sa Antipolo City noong Marso 15.

Pagkatapos ay isinunod nila ang defending champion San Mig Coffee, 87-82 noong Marso 20.

At noong Sabado ay nakaulit sila sa Globalport, 87-72 para sa 5-5 record at ikalimang puwesto.

Hindi pa naman nagdidiwang sina Pumaren at mga bata niya dahil may apat na games pang nalalabi sa kanilang schedule. Makalaban pa nila ang Rain or Shine sa Linggo, Barangay Ginebra San Miguel sa Abril 3, San Mig Coffee sa Abril 10 at Petron Blaze sa Abril 13.

Matitindi pa ang kanilang makakaharap.

Pero at least, nagkaroon na ng kumpiyansa ang Express. Alam na nilang kaya nilang sumabay sa ka­ni­lang makakatagpo.

At ang maganda rito’y mayroon silang no-nonsense import na maaasahan. Sa totoo lang, bilib si Pumaren sa attitude ni Dunigan na hindi mayabang, hindi nagluluko, hindi nagbubulakbol.

At naniniwala na ngayon ang karamihan  na kaya ngang pasanin ni Dunigan ang kanyang koponan. Kung hindi magbabago ang kanyang ugali, malamang na aabot sa semis ang Express. At baka lumampas pa sila doon.

 

Show comments