Globalport sinibak si Sharpe dahil sa pagiging lasenggero

MANILA, Philippines - Matapos si Justin Williams, si Walter Sharpe naman ang sinibak ng Globalport.

Nagdesisyon si team owner Mikee Romero na pauwiin ang 6-foot-9 na si Sharpe matapos itong malitratuhan na natutulog sa isang parking lot sa hanay ng mga bars sa Julia Vargas St. sa Pasig City noong Lunes ng umaga.

Sinasabing nagpaiwan ang 26-anyos na si Sharpe sa isang bar noong Linggo ng gabi ilang oras matapos makalasap ang Batang Pier ng isang 85-93 kabiguan sa nangungunang Alaska Aces sa Smart Araneta Coliseum.

Sa naturang pagkatalo, nalimitahan si Sharpe, naglaro sa NBA para sa Detroit Pistons noong 2008-2009 season, sa 2 points at 5 rebounds bago na-foul out sa huling 4:23 ng fourth quarter.

Kung hindi nalasing si Sharpe ay maaari itong sinumpong ng narcolepsy, isang neurological disorder na nagdudulot sa isang tao ng biglang pagkakatulog, na naging problema niya wika ni Blazers’ coach Mike Davis habang naglalaro sa University of Alabama at Birmingham.

Si Sharpe ang hinugot ng Batang Pier matapos patalsikin si Williams na ngayon ay kinuha ng San Miguel Beermen sa Asean Basketball League.

Sa pagsibak kay Sharpe, inalok na ng Globalport ng kontrata si dating Georgia State Panther Sylvester Mor­gan para sa kanilang laban ng Air21 sa Sabado.

 

 

Show comments