Heat tuluy sa pagliyab 23-dikit na panalo kinuha

BOSTON -- Tinakasan ni LeBron James at ng Mia­mi Heat ang Boston Celtics para sa kanilang ika-23 sunod na panalo matapos kunin ang 105-103 panalo noong Linggo ng gabi.

Limang taon na ang nakararaan nang wakasan ng Celtics ang 22-game winning streak ng Houston Rockets, umiskor si James ng 37 points na tinampukan ng kanyang go-ahead basket sa natitirang 10.5 segundo para sa panalo ng Heat.

Sa paglampas sa 22-game winning run ng Rockets, ang 33 naman ng Los Angeles Lakers na nangyari noong 1971-1972 ang pipiliting mapantayan ng Heat.

“It means a lot,’’ sabi ni James. “I know the history of the game. To be sitting in second place right now ... for us to be there and doing it the way we want to do it, it means a lot.’’

Nagdagdag pa si Ja­mes ng 12 assists, habang may 21 points si Mario Chal­mers para sa Miami na hindi pa natatalo sapul noong Pebrero 1.

Tumipa naman si Jeff Green ng career-high 43 points para sa Boston, nag­laro sa ikalawang sunod na pagkakataon nang wala si center Kevin Garnett.

Nagtala si Paul Pierce ng 17 points, 8 rebounds at 8 assists para sa Celtics, ngunit naimintis niya ang isang 3-pointer sa huling tatlong segundo na nagpanalo sana sa Boston.

“This was a passio­nate game, a lot of history between the two teams,’’ ani Miami forward Shane Battier, bahagi ng Rockets na nagtala ng 22-game winning streak na pinigil ng Celtics noong Marso 18, 2008.

Sa Phoenix, iniskor ni Luis Scola ang lahat ng kanyang 14 points sa fourth quarter para tulungan ang Suns sa 99-76 paggiba sa Los Angeles Lakers na nag­laro nang wala ang may injury na si Kobe Bryant.

Umiskor naman si Ste­ve Nash ng 19 points kontra sa kanyang dating koponang Phoenix.

Sa Philadelphia, tumapos si Spencer Hawes ng 18 puntos at 13 rebounds upang igiya ang 76ers sa 101-100 panalo laban sa Portland Trailblazers.

Sa iba pang resulta, nanalo ang Denver sa Chicago, 119-118 sa overtime, Charlotte sa Washing­ton, 119-114; Dallas sa Atlanta, 127-113 at Indiana sa Cleveland, 111-90.

 

Show comments