Casimero naidepensa ang IBF crown kontra kay Rios

MANILA, Philippines - Muli na namang nanalo si Filipino world light flyweight champion Johnriel Ca­simero sa ikalawang sunod na pag­tatanggol sa kanyang hawak na International Boxing Federation title.

Binigo ni Casimero si Panamanian challenger Luis ‘Pan Blanco’ Ríos via unanimous decision kahapon sa Megapolis Convention Center sa Panama.

Tumanggap ang 23-anyos na pambato ng Ormoc City, Leyte ng dalawang 119-109 at isang 118-110 iskor galing sa tatlong judges.

Pinaganda pa ni Casimero ang kanyang win-loss-draw ring record sa 18-2-0 ka­sama ang 10 KOs kumpara sa 18-2-1 (13 KOs) slate ng 22-anyos na si Rios.

Ipinakita ni Casimero ang puso ng kampeon nang wa­lang tigil na atakehin si Rios sa likod ng kanyang mga kombinasyon.

Unang naidepensa ni Casimero ang kanyang bitbit na IBF light flyweight crown kontra kay Mexican challenger Pedro Guevara via split decision noong 2012 sa Centro de Con­venciones sa Mazatlán, Si­naloa, México.

Matapos ang panalo kay Rios, isang unification fight ang gustong gawin ni Filipino promoter Sammy Gello-ani para kay Casimero.

Posibleng makaharap ni Casimero para sa unification fight ang alinman kina World Boxing Council (WBC) champion Adrian Fer­nandez ng Mexico at World Boxing Association (WBA) titlist Roman Gon­za­les ng Nicaragua.

Sa undercard, nauwi sa draw ang rematch ni­na John Mark ‘Iceman’ Apo­linario (17-2-2, 4 KOs) ng Maasin, Sarangani at da­ting two-division world champion Roberto ‘La Ara­ña’ Vasquez (35-5-2, 22 KOs) ng Panama para sa WBA interim bantamweight belt.

Nauna nang nakakuha si Vasquez ng isang majori­ty draw sa kanilang unang laban ni Apolinario noong Nobyembre 3, 2012 sa Panama.

 

Show comments