2013 world 8-ball championship: paghahandaan ng Pinoy

MANILA, Philippines - Magkakaroon ng sapat na panahon ang mga Filipino cue-artist para mapaghandaan ang 2013 World 8-Ball Championship na gagawin pa rin sa Dubai, United Arab Emirates.

Tatlong pambato ng bansa na sina Efren Reyes (2004), Ronnie Alcano (2007) at Dennis Orcollo (2011) ang mga nanalo na sa prestihiyosong torneo sa 8-ball na sa taong ito ay gagawin sa World Trade Center at nilagyan ng $200,000.00 kabuuang premyo.

Inaasahang masidhi ang paghahabol sa kara­ngalan ng Pilipinas dahil hindi kuminang ang ipinakita ng mga inilaban noong nakaraang taon.

Ang lumabas bilang pinakamahusay ay si Roberto Gomez na nakasalo sa ikalima hanggang wa­long puwesto.

Tatlong malalaking kom­­petisyon na  inorganisa din ng World Pool-Billiard Association (WPA) ang paglalabanan hanggang sa matapos ang taon.

Ang China Open na kung saan si Orcollo ang nanalo sa huling edisyon, ay gagawin mula Mayo 12 hanggang 19.

Magbabalik din ang World 10-ball Championship na lalaruin sa Oslo Nor­way mula Hunyo 8 hanggang 14.

Ang kompetisyon ay dating isinasagawa sa Manila pero binitiwan na ng local organizers ang hos­ting dahil sa problema sa pananalapi.

Balik sa Doha ang mga bilyarista para sa pagkakataong ito ay paglabanan ang World 9-Ball Cham­pionship mula Setyembre 2 hanggang 13.

Ang mga palarong ito ay gagamitin ng WPA bilang ranking tournaments para madetermina kung sino ang hihiranging number one player sa 2013.

Ang World Cup of Pool at World Pool Masters na idinaos sa bansa noong nakaraang taon ay ikinalen­daryo sa Setyembre 17 hanggang 22 sa ‘di pa ma­lamang lugar.

 

Show comments