MANILA, Philippines - Babalik sa Puerto Princesa City ang 2013 FIM Asia Motocross Championships na gagawin mula Marso 21 hanggang 24.
Ito ang ika-10 sunod na taon na itataguyod ang moÂtocross sa siyudad na pinamumunuan ni Mayor Edward Hagedorn.
Mahigit na 100 riders mula sa iba’t ibang siyudad at probinsya sa bansa ang sasali at makikipagtagisan sa mga dayuhang riders.
Kinaaabangang tagisan ay sa pagitan nina Arnon Theplib ng Thailand, Tomoya Suzuki ng Japan at Kenneth San Andres para sa elite.
Kasali rin ang 14-anyos na si Mark Reggie Flores ng San Pablo City na magdedepensa ng titulo sa Asian Junior 85cc class. Mapapalaban si Flores dahil ang mga dayuhang riders na sina Khisigmunk Munkbolor ng Mongolia, Jacques Gunawardena ng Sri Lanka at Filipino rider Gabriel Macaso ay kasali rin.
Babalik din si Stanley Yasuhiro ng Guam na pilit na idedepensa ang titulo sa Asian Veterans laban kina Mike Zolin, Gimo Gonzales at Junjun San Andres.
Ang palarong ito ay suportado ng Repsol, HJC Helmets, Shakey’s, Du Ek Sam Inc. Puerto Princesa, Honda Prestige Puerto Princesa, Asia Brewery Inc. at Otto Shoes. May basbas din ito ng PSC at POC bukod pa ng Department of Tourism.