Donaire mas magaling na counter-puncher vs Rigo

MANILA, Philippines - Pareho silang mga counter-punchers.

Pero sa tingin ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ay mas epektibo siya sa naturang istilo kumpara kay Cuban titlist Guillermo Rigondeaux.

“I think that he’s a pure counter-puncher,” wika kahapon ni Donaire kay Rigondeaux sa panayam ng BoxingScene.com. “If he gets aggressive, that’s when it gets dangerous for him. I’m a counter-puncher too, but I think I’m a better counter-puncher than he is.”

Ayon kay Donaire, hihintayin nilang magkamali sa kanyang galaw si Rigondeaux.

“When it comes to counter-punching, I know the mistakes that people make, so that’s something we’re going to look forward to in learning about Rigondeaux,” sabi ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire na nakabase ngayon sa San Leandro, California.

Itataya ni Donaire ang kanyang mga suot na World Boxing Organi­zation at International Bo­xing Federation super bantamweight titles, habang isusugal naman ni Rigondeaux ang kanyang bitbit na World Boxing Association belt sa kanilang unification fight sa Abril 14 (Manila time) sa Radio City Music Hall sa New York.

Kasalukuyang tangan ng 30-anyos na si Donaire ang kanyang 31-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 20 knockouts, samantalang taglay ng 32-anyos na si Rigondeaux ang kanyang 11-0-0 (8 KOs) slate.

Noong nakaraang taon, apat na beses nanalo si Donaire.

Ito ay kontra kina Wilfredo Vasquez, Jr. ng Puerto Rico, Jeffrey Mathebula ng South Africa, Toshiaki Nishioka ng Japan at Jorge Arce ng Mexico.

Show comments