Sa 2013 AFC Challenge Cup qualifiers group E: Turkmenistan matinding kalaban ng Azkals

MANILA, Philippines - Mahalagang maipanalo ng Pilipinas ang unang dalawang laro para tumibay ang habol na pangunahan ang 2013 AFC Challenge Cup Qualifiers Group E na gagawin sa Rizal Memorial Football Field sa huling linggo ng buwan ng Marso.

Sa pulong pambalitaan na ginawa kahapon sa Philippine Football Federation (PFF) sa Pasig City, sinabi ni national coach Hans Michael Weiss na dalawang panalo at isang tabla o pitong puntos ang maaaring magtulak sa isang bansa na manalo sa kompetisyon.

“Base on results of other qualifiers, se­ven points will get is through,” ani Weiss.

Limang qualifiers ang isinasagawa upang madetermina ang pitong bansa na aabante sa AFC Finals sa Maldives sa susunod na taon.

Ang limang tatanghaling kampeon ay pasok na habang ang dalawang bansa na tumapos sa ikalawang puntos na may nakuhang pinakamataas na puntos ang aabante rin.

Ang liga ay magbubukas sa Marso 22 at unang laro ng Azkals ay kontra sa Brunei. Sa Marso 24 ay ang Cambodia ang kanilang kakaharapin habang ang huling araw ng torneo ay sa Marso 26 laban sa Turkmenistan.

Ang Turkmenistan ang siyang matin­ding karibal ng Pilipinas sa torneo at nais ng Azkals na maipaghiganti ang 1-2 kabiguang ipinalasap sa semifinals noong 2012 AFC Challenge Cup Finals sa Kathmandu, Nepal.

Ramdam naman ni Weiss na kayang manalo ng hinahandang koponan dahil ang mga batikang Fil-Foreign players ay darating sa pangunguna nina Neil Ethridge at Roland Muller bukod pa kina Stephan Schrock, Paul Mulder, Jerry Lucena  at ang bagong kuhang striker na si Javier Lachica Patino.

Show comments