MANILA, Philippines - Bibigyan ng major awards ng Philippine SportsÂwriters Association (PSA) sina karateka Princess Joanna Mae Ylanan, taekwondo jin Mikaela Calamba at ang national dragon boat team.
Sina Ylanan, Calamba at ang dragon boat squad ay ilan lamang sa mga personalidad na pararangalan sa PSA-Milo Annual Awards Night sa Marso 16 sa grand ballroom ng Manila Hotel.
Inangkin ng 20-anyos na si Ylanan ng Tacloban City ang gold medal sa World Karatedo Federation Karate World Cup sa Busan, South Korea matapos magreyna sa women’s -68 kg kumite noong Agosto.
Nagdomina naman ang dragon boat team ng Philippine-Canoe Kayak Federation (PCKF) sa paghakot ng anim na gold medals sa 2012 ICF Dragon Boat World Championships sa Milan, Italy para maging overall champion ng torneo.
Bago matapos ang taon, kinilala ang 15-anyos na si Calamba bilang unang Filipina individual na kumuha ng gold sa World Taekwondo Poomsae Championship nang pamahalaan ang women’s individual freestyle sa 7th edition nito sa Tunja, Colombia.
Si super-bantamweight world title holder Nonito Donaire Jr. ay makakasama ni boxer Josie Gabuco, ang world champion Manila softball team at ang five-time UAAP title holder Ateneo de Manila bilang co-winners ng PSA Athlete of the Year award.