Ateneo dinagit ang UAAP baseball crown

MANILA, Philippines - Ibinaon na ng Ateneo ang bangungot noong nakaraang taon nang talunin ang National University sa 4-0 iskor sa rubbermatch ng UAAP baseball finals kahapon sa Rizal Memorial Ballpark.

Umiskor agad ng dalawang runs ang Eagles sa unang inning bago nagdagdag pa ng tig-isang runs sa fourth at fifth innings para makapagdomina.

Ang rookie pitcher na si Miguel Salud ay bumawi rin sa nakitang pagkolapso sa Game Two nang bigyan lamang ang mahuhusay na batters ng nagdedepensang kampeon ng limang kalat-kalat na hits at may anim na strikeouts pa.

Ito ang kauna-unahang titulo ng Ateneo sa baseball at pinigil nila ang tangkang ikalawang sunod ng Bulldogs na nakagawa ng ga­nito noon pang 1965-67 se­ason.

Lumabas na losing pit­cher ang MVP noong nakaraang season na si Aries Oruga na nagbigay ng siyam na hits.

Kasabay na nagdiwang ng Eagles ay ang Adamson Lady Falcons na kinuha ang ikatlong sunod na softball title nang maisantabi ang hamon ng National University, 4-1.

Kinailangang magtrabaho ng Lady Falcons sa larong ito matapos hiritan sila ng 1-1 all sa regulation.

Pero lumabas ang cham­pionship experience ng koponan ni coach Ana Santiago at umiskor ng tatlong runs sa palo sa top of the eight inning.

Si Luzviminda Embudo ay naka-two-run double bago pumasok  sa squeeze play ni Lorna Adorable para sa 4-1 iskor.

Tinapos ng Adamson ang liga taglay ang 14-0 karta para palawigin sa 34-0 ang pagpapanalo na nagsimula noon pang 2010 season.

 

Show comments