Ateneo, NU mag-aagawan sa baseball crown

MANILA, Philippines - Paglalabanan ngayon ng National University at Ateneo ang titulo sa UAAP baseball na magbabalik-aksyon ngayon sa Rizal Memorial Ballpark.

Natigil ang aksyon sa best-of-three Finals noong isang linggo, tiyak na nasa kondisyon ang Bulldogs at Eagles sa kanilang ika-12 ng tanghali na tunggalian at ang mananalo ang kikila­laning kampeon ng liga.

Naitabla ng host NU ang serye nang kumpletuhin ang pagbangon mula sa two-run deficit tungo sa 9-8 panalo noong nakaraang Martes.

Ang Game Two ay orihinal na nakatakda noong Huwebes pero ipinagpaliban dahil sa walang humpay na pag-ulan.

“Ang team na determinadong magkampeon ang mananalo. Wala na ang momentum sa amin dahil sa cancellation ng game kaya’t kailangang ipakita namin na karapat-dapat kaming maging champion uli,” wika ni NU team manager Whopsy Zamora.

Unang sasalang ang Adamson at National University sa ganap na alas-9 ng umaga at hanap ng Lady Falcons ang makumpleto ang 14-0 sweep tungo sa pag-angking sa ikatlong sunod na pagkakataon ang titulo sa softball.

Samantala, magbubukas naman ang cham­pionship series ng La Salle at UST sa women’s lawn tennis sa ganap na alas-9 ng umaga sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ang women’s tennis na lamang ang pinaglalabanan dahil inangkin na ng National University ang men’s title nang lapain ang UST, 3-1, noong Linggo.

Show comments