Pambibitin ni Rigondeaux itinanggi ni Arencibia

MANILA, Philippines - Sinagot ng kampo ni Guillermo Rigondeaux, ang Cuban world super bantamweight titlist, ang mga paratang ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. hinggil sa pagsailalim sa drug testing sa Voluntary Anti-Doping Association.

Sa panayam ng BoxingScene.com, sinabi ni Boris Arencibia ng Caribe Promotions, ang co-promoter ni Rigon­deaux, na pinirmahan  na ng World Boxing  Asso­ciation titlist ang VADA form para sa drug testing.

Ito ay taliwas umano sa mga pahayag ni Donaire, ang World Boxing Organization at International Boxing Federation champion, na ibinibitin ni Rigondeaux ang proseso.

“Everyday we read something about VADA tests and ultimately we do not know what they intend to accomplish with this attitude,” wika ni Arencibia. “Guillermo Rigondeaux already signed, in front of Bob Arum and everyone else, all of these VADA documents and met the requirements of this organization.”

Ang pagsailalim sa VADA drug testing, ayon sa 30-anyos na si Donaire, ay nauna nilang napagkasunduan ng 32-anyos na si Rigondeuax para sa kanilang unification fight sa Abril 14 (Manila time) sa Radio City Music Hall sa New York.

Kamakalawa ay galit na sinabi ni Donaire sa kanyang Twitter account na wala pang pirmadong VADA form na isinusumite si Rigondeaux.

Ayon kay Arencibia, dapat nang tutukan nina Rigondeaux at Donaire ang kani-kanilang mga pagsasanay at hindi ang sagutan ukol sa VADA drug testing.

“We hope that Nonitos’s team understands that they and we have less than two months to prepare for this fight,” ani Arencibia.  

 

Show comments