Tinalo ang Cagayan sa game 1: Isa na lang sa NLEX

Laro sa Martes

(The Arena, San Juan City)

3 p.m. NLEX vs Cagayan

 

 

MANILA, Philippines - Nag-aalab na opensa ang ipinamalas ng NLEX Road Warriors tungo sa madaling 87-63 paglampaso sa Cagayan Valley sa Game One ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Ateneo Eagles Gym sa Katipunan, Quezon City.

May 15 puntos si Ian Sangalang habang ang pambatong guard na si Bor­gie Hermida ay mayro­ong double-double na 10 puntos at 11 assists bukod sa isang steal at rebound para sa Road Warriors na agad na umalagwa sa 22-12 simula.

“We started well at tinapatan ang energy nila kaya bumaba agad ang ka­nilang energy,” wika ni Road Warriors coach Boyet Fernandez.

Magkakaroon ng pag­ka­kataon ang koponan na tapusin ang best-of-three series sa Martes para sa­­ga­saan ang ikaapat na sunod na titulo sa liga.

“We will try to wrap it up on Tuesday. But I expect Cagayan to try to bounce back but we will be ready,” dagdag ni Fernandez.

Ang mga naghari sa Blue Eagles gym na sina Greg Slaughter at Nico Salva ay may 11 at 10 puntos bukod pa sa pinagsamang 10 rebounds habang si Garvo Lanete ay naghatid ng 10 puntos na kinamada sa unang yugto.

Walang humpay ang pag-atake ng Road Warriors na tinapos ang laba­nan bitbit ang respetadong 50.8 shooting mula sa 33-of-65 performance.

Sa pagdadala ni Hermida, hinawakan ng NLEX ang 20-9 bentahe sa assists bukod pa sa 18-9 kalamangan sa fastbreak points at 14-9 agwat sa transition points.

May 15 puntos si Eliud Poligrates pero nanlamig ito matapos ang mainit na panimula sa first period habang ang mga higanteng sina Mark Bringas at Raymund Almazan ay napahirapan sa naglalakihang frontline ng NLEX.

Bunga nito, nagtala ng mahinang 32.4 shooting percentage ang Rising Suns (22-of-68) at napa­sama rin sa koponan ang mahinang 16-of-38 shoo­ting sa 15-footline.

Ang tres ni Poligrates ang nagbigay ng 3-2 ka­lamangan sa tropa ni coach Alvin Pua ngunit agad na umalagwa sina Sangalang, Lanete at Hermida para lumayo na ang Road Warriors tungo sa panalo.

Show comments