Rios handa nang harapin si Casimero

MANILA, Philippines - Nasa tamang kondis­yon na si Panamanian challenger Luis “Pan Blanco” Ríos para sa kanyang paghahamon kay Filipino world light flyweight champion Johnriel Ca­simero sa Marso 16 sa Megapolis Convention Center ng Hard Rock Hotel Panama.

“I feel really great in my preparation for my title fight with Casimero,” wika ni Rios, tinanggap ang “Best National Boxer of the Year Award” kahapon. “It’s a great honor for me to receive this award given to me by the Panama Boxing Commission (COMIBOX).”

Itataya ni Casimero ang kanyang suot na International Boxing Federation crown kontra kay Rios.

Matagumpay na nai­pagtanggol ng tubong Ormoc City, Leyte ang kanyang suot na IBF ight flyweight title laban kay Mexican challenger Pedro Guevara noong nakaraang taon sa Centro de Con­venciones sa Mazatlán, Si­naloa, México.

Binigo ni Casimero si Guevara via split decision para patuloy na isuot ang naturang IBF belt.

Unang dumayo si Casimero sa Mexico noong Hulyo 24, 2010 kung saan siya inagawan ni Ramon Gar­cia Hirales ng bitbit niyang World Boxing Organization (WBO) interim title via split de­cision sa Los Mochis, Si­naloa.

Tangan ng 23-anyos na si Casimero ang 17-2-0 win-loss-draw ring record ka­sama ang 10 KOs laban sa 22-anyos na si Rios (18-1-1, 13KO’s). 

 

Show comments