MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ang malawakang Sports for All program ng Philippine Sports Commission (PSC) na gagawin sa Burnham Green sa Luneta Park.
Ang programa ay itinutulak ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang National Parks Development Commission (NPDC) at ang layunin nito ay himukin ang mga Pinoy na pumasok sa pag-e-ehersisyo gamit ang palaÂkasan.
“Mandato ng PSC ang pagpapalaganap ng sports-for-all at walang magandang programa kungdi ang gamitin ang park tulad ng Luneta na pinupuntahan ng halos lahat ng tao at mga magkakapamilya, para dito isulong ito,†wika ni PSC chairman Richie Garcia.
Mula alas-5 hanggang alas-10 ng umaga tuwing Linggo ito gagawin at ang mga interesado ay maaÂaring sumali at matuto ng larong arnis, aerobics, frisbee, kite flying, taekwondo, football, karatedo at chess.
Nagdesisyon ang PSC na gawin ang programa dahil sa lumalaking bilang ng mga kabataan na nahihilig sa mga computer games o iba pang bisyo.
Ang Philippine Olympic Committee (POC) at mga National Sports Association (NSA) ay sumusuporta sa proyektong ito habang nakikiisa rin ang National Youth Commission, Sangguniang Kabataan at mga Local Government Units sa NCR.