Dagdag-bawas
Tulad ng isang eleksyon, di pa man nagsisimula ang bilangan ng balota ay tila kasado at selyado na ang resulta.
Ganito ang sitwasyong hinaharap ng Pilipinas sa parating na Southeast Asian Games na gaganapin sa Myanmar sa Dec. 11-22.
May 11 miyembrong bansa sa SEA Games at sa huling labanan noong 2011 sa Indonesia ay pumang-anim ang Pilipinas. Pang-pito ang Myanmar.
Sa kagustuhan ng Myanmar na maungusan ang Pilipinas at umakyat ng husto sa standings ay nagdagdag sila ng napakaraming events na halos siguradong panalo sila.
May 36 events mula sa martial arts sports na vovinam at kempo (ni hindi ko nga alam kung ano ito) ang dinagdag nila at kung anu-ano pa sa chess, dragon boat at wushu.
May walong gold medals din sa sport na chinlone kung ano man yun. Dahil dito, siguradong aakyat sa standings ang Myanmar dahil hahakot sila ng ginto sa mga events na ito.
Hindi ikinatuwa ng mga Pinoy officials ang diskarte ng Myanmar. Nagdagdag din sila ng mga events sa athletics at aquatics na malakas sila at nagbawas naman dun sa mahina sila.
Sa 36 na gold meÂdals na napanalunan ng Pilipinas noong 2011, 16 dito ay hindi lalaruin sa Myanmar. Dito pa lang, tiyak na sadsad tayo sa medal standings.
Halos gusto ng boykotin ng Pilipinas ang daraÂting na SEA Games dahil nga naman sa tindi ng sitwasyon na malamang uuwing luhaan ang mga atleta natin.
Pero ayaw din naman ito ng mga opisyales natin dahil baka hindi nga naman maganda tingnan. Kaya ang posibleng gawin ay magpadala na lang tayo ng maliit na delegasÂyon.
Mula sa 512 athletes noong 2011, gusto nila ito ibaba sa 50 athletes lamang na lalaro na lang sa events na may tsansa pa silang manalo. Sa Myanmar na lahat ng gusto nila.
Halos parang boykot na rin kung tutuusin.
Mabuti pa nga boykotin na lang.
- Latest