Donaire binalaan ni Rigondeaux

MANILA, Philippines - Binalaan ni Cuban Guil­lermo Rigondeaux  si unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. na maghanda para sa kanilang bakbakan sa Abril 13.

Ito ay matapos na ring pirmahan ng 32-anyos na si Rigondeaux, nauna nang nagkaroon ng problema sa Caribe Promotions, ang fight contract para sa kanilang suntukan ng 30-anyos na si Donaire.

“Just tell Nonito to prepare for what’s coming,” babala ni Rigondeaux (11-0, 8 KOs), ang kasalukuyang World Boxing Association titlist at isang two-time Olympic Games gold medal winner ng Cuba, kay Donaire (30-1-0, 21 KOs).

Ipinaalam naman ni Gary Hyde, ang manager ni Rigondeaux, sa RingTV.com ang paglagda ng Cuban sa fight contract para sa paghahamon kay Donaire, ang World Boxing Organization at International Boxing Federation ruler.

Ipinaabot na ni Pat English, ang legal counsel ni Hyde, kay Bob Arum ng Top Rank Promotions ang nasabing pagpirma ni Rigondeaux.

“(English) has called me to say that it has happened and that he had forwarded it to my office,” sabi ni Arum na hindi pa natatanggap ang nasabing fight contract. “I believe him, because he’s a responsible guy.”

“Everything is in the process of happening,” dagdag pa ng promoter. “When it happens, it will happen, and then, we’ll announce the signing and the site.”

Kabilang naman sa mga lugar na ikinukunsidera para sa Donaire-Rigondeaux unification fight ay ang Radio City Music Hall sa New York, ang Home Depot Center sa Carson, California at ilang venue sa Texas kagaya ng Cowboys Stadium at Ala­madome.

Sa Home Depot inaga­wan ni Donaire ng IBF super bantamweight title si South African Jeffrey Mathebula (26-4-2, 14 KOs) via unanimous decision noong Hulyo 17 at pinigil sa ninth-round si Japanese superstar Toshiaki  Nishioka (39-5-3, 24 KOs) noong Oktubre 13.

Lumaban din si Donaire sa The Theater sa Madison Square Garden sa New York kung saan niya giniba si Omar Narvaez (38-1-2, 20 KOs) sa kanilang bantamweight title fight noong Oktubre ng 2011.

 

Show comments