Mataas na impresyon sa Globalport patutunayan - Mikee

MANILA, Philippines - Hinamon ni Globalport team owner Mikee Romero ang mga kasapi ng pinalakas na koponan na patunayan na sila nga ang isa sa pinakamainit na koponan na maglalaro sa PBA Commissioners’ Cup na magbubukas ngayon sa Araneta Coliseum.

Aminado si Romero na umani ng atensyon ang pangunguna sa mga trade sa off-season dahilan upang makuha niya ang mga bigating manlalaro na sina Sol Mercado at 6’9 Japeth Aguilar mula sa Meralco at Talk N’Text.

“We brought the hype because of the new players we got to join the old core we have. The question now is can Globalport Batang Pier live up to the hype? Can Sol play well with Willie (Miller) and Gary (David)?” tanong ni Romero sa mga kasapi ng koponan na pormal na ipinakilala kahapon sa Dencio’s Metrowalk sa Meralco Ave. Pasig City.

At sa pagkakaroon ng beteranong coach sa katauhan ni Junel Baculi at mga manlalarong nais na patunayan ang sarili, tiwala si Romero na makakatawid ang koponan sa hamon.

Nilinaw din ni Romero na hindi agad niya sinisipat na makapasok sa Finals sa conference na ito kungdi ang makita ang kanyang bataan na lalaban ng pukpukan sa bawat laro para maipanalo ito.

Makakasama na rin sa koponan ang nama­hingang si Reed Juntilla habang ang iba pang kasapi ay sina Marvin Cruz, AJ Mandani, Rudy Lingganay, Jondan Salvador, Yousef Aljamal, Rommel Adducul, Mark Yee, Alex Crisano, Will Antonio, Kelly Nabong, Jason Deutchman at JP Belencion. Ang import ay si 6’9” Justin Williams.

 

Show comments