PBA D-League Aspirants’ Cup JRU, Cebuana humirit pa

 Laro Bukas

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

2 p.m. JRU vs Big Chill

4 p.m.  Cebuana Lhuillier vs Cagayan Valley

 

MANILA, Philippines - Sinandalan ng Cebuana Lhuillier ang jumper ni Paul Zamar sa huling 20 segundo upang maitakas ang 84-83 panalo sa Cagayan Valley sa PBA D-League Aspirants’ Cup quarterfinals kahapon sa San Juan Arena.

Humihinga pa rin ang Jose Rizal University nang sandalan ang free throw line upang angkinin ang 63-61 panalo laban sa Big Chill sa isa pang laro.

Sina Jeckster Apinian at Michael Mabulac ay nagtala ng magkasunod na split matapos ang mga mintis na opensa ng Superchargers para maunsiyami ang pakay na dumiretso sa Final Four ng Big Chill.

“Gusto pa nilang ma­nalo. Maganda rin ang depensa namin sa huli,” wika ni Heavy Bombers coach Vergel Meneses na humugot ng 12 puntos kay Khazim Mirza.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ng tropa ni coach Beaujing Acot at ang hu­ling dalawang tagumpay ay nagbangon sa kanila mula sa sana’y maagang bakasyon.

Binasag ng buslo ni Zamar ang huling tabla sa 82-all bago pinagmasdan na naisablay ni James Forrester ang isa sa dalawang krusyal na free throws sa huling sampung segundo upang maitakda ang isa pang laro sa Huwebes na magdedetermina kung sino ang aabante sa semifinals.

May 14 puntos si Za­mar upang isunod sa 21 na ginawa ni Gabriel Banal. Ang kanyang apat na magkasunod na puntos ang nagtulak sa Gems sa 75-66 kalamangan.

Ngunit isang tres at 3-point play galing kay  Adrian Celada ang nagbigay sa Rising Suns ng 78-75 bentahe bago kumawala ng isang triple si Banal para magkatabla pa sa 78-all at nagpasimula sa mahigpitang pagtatapos.

Si Chris Exciminiano ay mayroong 17 puntos para sa tropa ni coach Alvin Pua na masuwerteng may twice-to-beat advantage upang magkaroon pa ng isang tsansa na mapalawig ang makasaysayang laro sa liga.

Show comments