Perpetual lumakas ang laban sa finals

MANILA, Philippines -  Pinabagsak ng nagdedepensang kampeon Perpetual Help ang Emilio Aguinaldo College, 26-24, 25-22, 25-18, para lumapit sa mithiing puwesto sa NCAA men’s volleyball finals sa pagpapatuloy ng aksyon kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sina Suba Ednar Sanchez, Ralph Savellano at Jay Dela Cruz ay tumapos taglay ang 14, 11 at 10 puntos, si Adam Daquer ay may 3 blocks at si Glacy Ralph Diezmo ay mayroong 27 excellent set para katampukan ang panalo ng Altas tungo sa 2-0 baraha sa single-round robin semifinals.

Ito ang ika-30 sunod na panalo sa huling tatlong taon ng liga at kailangan na lamang ng Altas na manalo pa sa San Beda para umusad sa championship round ng wala pa ring talo.

Bumangon ang Red Lions sa pagkatalo sa Gene­rals sa unang asignatura sa pamamagitan ng 23-25, 25-21, 21-25, 26-24, 17-15, pananaig sa Lyceum sa isa pang laro.

Tig-25 puntos, lapit ang tig-22 kills, ang ibinigay nina Lorenzo Capate at Gilbert Ablan para sa Lions na naisantabi ang 33  errors sa laro sa pamamagitan ng magandang depensa at tamang atake sa mahalagang puntos ng labanan.

Si Gerson Labiano ay may 23 hits at 3 blocks tungo sa 27 puntos para sa Pirates na ininda rin ang iisang service ace kumpara sa walo ng kalaban.

Umangat ang Lions sa 1-1 katulad ng EAC habang ang Pirates ay namaalam na sa torneo.

Show comments