Back-to-back sa Star Group sa MBL

MANILA, Philippines - Sumandal ang nagdedepensang Star Group of Publications kay Niño Marquez para talunin ang PRC Couriers, 87-84, at angkinin ang korona ng MBL Corpo­rate Cup 2 basketball tournament sa San Andres Sports Complex  Malate, Manila kamakalawa.

Nagpasabog si Marquez ng 32 points, kasama dito ang anim na sunod na free throws sa huling 1:30 ng fourth quarter upang kumpletuhin ang  nine-game sweep ng torneo.

Nagdagdag sina Ver Roque at Gio Coquilla ng tig-12 points kasunod ang 9 ni Mario Geocada para sa Starmen, dalawang beses tinalo ang PRC sa elimination round.

Ito ang pangalawang sunod na MBL title para sa Star Group nina coach Alfred Bartolome at team ma­nager Mike Maneze.

Nagbida si Marquez, hinirang na Most Valuable Player, sa ratsada ng Starmen sa fourth quarter matapos makabangon ang Couriers mula sa isang double-digit deficits para tumabla sa 80-80 galing sa three-point shot ni Edwin Asoro sa 3:30 sa laro.

Kumayod naman si Marquez  para selyuhan ang pang siyam na dikit na tagumpay ng Star Group.

Tumapos sa ikatlo ang Manila Capitals nina Mayor Alfredo Lim at MASCO chairman Paul Edward Almario.

Star Group 87--Marquez 32,  Roque 12, Coquilla 12,  Geo­cada 9,  Bondoc 7, Rodriguez 6,  Corbin 4,   Martinez 3, Reducto 2, Sanggalang 0, Ortega 0.

PRC Couriers 84--Cuevas 20, Mabigat 15, Reyes 11,  Maurillo 10, Asoro 9, Cerioc 9,  Litonjua 5,  Lopez 3, Sta. Maria 2, Wang 0, Villarta 0, Goco 0, Rullanda 0, Hernandez 0.

Quarterscores: 30-20,  54-40, 73-64, 87-84.

 

Show comments