Aussie spikers darating para sa Shakey’s T-of-C

MANILA, Philippines - Masusukat ang mga ma­­titikas na local teams na lumusot sa regional eli­minations sa pagdating ng bisitang Australian team para sa Shakey’s Girls Volleyball Tournament of Champions na magbubukas sa Lunes (Enero 21) sa Ninoy Aquino Stadium.

Ang champion team na State of Victoria, Australia ay darating ngayong gabi lulan ang Royal Brunei Airline para maging ikasampung koponan na lalahok sa anim na araw na torneo na suportado ng Shakey’s Pizza.

Di biro ang labang ma­ibibigay ng dayong ko­ponan dahil tatlo sa ka­nilang manlalaro ay may taas na hindi bababa ng anim na pulgada habang tatlo rito ay kasapi ng kanilang national team.

Sina Hanna Wright, Ka­trina Jannsen at Letitia Sindt ang mga makailang- ulit na kasapi ng youth team ng Australia at aasahan ni coach George Santamaria na director din ng Asian Volleyball Federation.

Ang kukumpleto sa ko­ponan ay sina Kate Hut­chinson, Lucy Konjarski, Katie Bacon, Eloise Leidle, Lucy Boyes, Nikita Peril, Tayla Mangles, Emma Regan, Vivien Maslov at Mikayla Faltyn.

Ang Hope Christian High School at Colegio San Agustin na hinirang na kampeon ng NCR leg ang mangu­nguna sa mga susukat sa husay ng bisitang koponan.

Ang iba pang kampeon ng Nothern, Central at Southern Luzon bukod pa ng Eastern, Central at Western Visayas at Min­danao ay lalahok din.

 

Show comments