Garcia bagong coach ng Letran

MANILA, Philippines - Magkakaroon  ng pagkakataon si Caloy Garcia na maipakita na kaya niyang bigyan ng titulo ang   isang NCAA team.

Si Garcia na multi-titled coach sa PBL at naupo rin bilang head coach ng Rain Or Shine sa PBA ang didiskarte para sa Letran Knights sa 2013-14 NCAA season.

Nakuha ni Garcia ang puwesto nang magkaroon ng  aberya ang  negosasyon para sa serbisyo ng champion coach ng Letran noong dekada 80 na si Larry Albano.

Bago napunta sa PBL at PBA, si Garcia ay naupo bilang headcoach ng St. Benilde mula 2005 hanggang 2007 at nagtala ng 9-31 win-loss record.

Natuwa naman ang nagbitiw na coach na si Louie Alas sa pagkanombra kay Garcia na magagamit ang karanasan sa PBL at PBA para makabawi sa pagkakataong ito.

“Thank God! Finally may coach na ang Letran and it’s official: Coach Caloy Garcia!” wika ni Alas sa kanyang official twitter.

“Paniguro kahit iba na yung coach ng Knights, walang mababago sa abilidad na pinapakita ng mga players. Welcome Coach!” dagdag nito.

Isang taon maninilbihan sa bagong NCAA team si Garcia na assistant coach pa rin ng Elasto Painters.

Show comments