2nd win ni Suarez sa World Series of Boxing

MANILA, Philippines - Nanatiling malinis ang karta ni Charly Suarez sa bagong koponan na Italia Thunder  sa World Series of Boxing nang malusutan ang Asian champion ng Tajikistan na si Anvar Yunusov na nangyari noong Sabado sa Mediolanum Stadium sa Milan, Italy.

Isinantabi ni Suarez, na dating manlalaro ng  Mumbai Fighters ng India, ang nananakit na balikat at ang paghahabol sa puntos matapos ang ikaapat na round nang patamaan si Yunusov ng magagandang kumbinasyon sa ikalima at huling round tungo sa pa­nalo laban sa panlaban ng USA Knockouts.

Sinuportahan ng mga Filipino na nasa Milan, nagbunga ang paghihirap ng tubong Davao na si Suarez dahil nakuha niya ang desisyon mula sa isang hurado,49-46, upang manalo dahil ang dalawang hurado ay nagsabing tabla ang laban sa magkatulad na 47-47 iskor.

Ito ang ikalawang laban pa lamang ni Suarez sa nasabing torneo at nauna niyang tinalo si Robert Harutyunyan ng Germany no­ong  Nobyembre 17, 2012.

Sa email na ipinadala ni Suarez sa ABAP, nagpahayag siya ng katuwaan sa suporta ng mga Pinoy at ito ang nagtulak sa kanya para isantabi ang pananakit ng balikat sa ikalimang round.

“Bumili sila ng tiket bago pa ang laban kaya’t ayaw kong mapahiya sa kanila,” wika ni Suarez.

Sa Marso naman ang balik sa ring ng boksinge­rong kinapos ng isang panalo para makaabot sa London Olympics dahil ipao-opera niya ang kanyang injured na balikat.

Ang panalo ni Suarez ay nakatulong sa 5-0 tagumpay  ng Thunder para iangat ang kampanya sa 3-2 baraha at manatili sa  ikalawang puwesto sa Group B.

 

Show comments