Sazara umiskor ng panalo kay Ong sa Andrada Cup netfest

MANILA, Philippines - Sinilat ni Chloe Mae Sazara ang sixth seed na si Ma. Dominique Ong upang patuloy na maging palaban sa titulo sa girls 16-under sa 24th Andrada Cup tennis tournament kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Matapos ang mada­ling panalo sa first set ay napalaban si Sazara sa second set bago naitakas ang tagumpay sa tie-break tungo sa 6-1, 7-6 (2) panalo.

Sunod na makakalaro ni Saraza sa quarterfinals si third seed Nicole Amistad na pinagpahinga si Bianca Cruz, 7-5, 6-3.

Ang iba pang umabante ay sina fifth seed Khim Iglupas na nanalo kay Frances Santiago, 6-2, 6-3; at sina Angelica Mosqueda at Maia Balce na may walkover wins kina Colleen Sioson at Princess Nadera.

Sina top seed Carlyn Bless Guarde at second seed Maxine Martin ay nakaabante rin sa girls 12-under sa torneong inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta) at inialay para sa dating pangulo na ngayon ay commissioner ng PSC Salvador Andrada.

Sa 6-0, 6-0, shutout pa­nalo nanaig si Guarde kay Pearl Pato habang sa 6-4, 6-3, tagumpay lumusot si Martin kay Mega Reyes.

Si seventh seed Bryan Otico ay nanalo kay Enrico Ong, 6-1, 6-0, para samahan ang iba pang seeded players na palaban pa sa titulo.

 

Show comments