Lady Eagles inilipad ni Valdez sa itaas

MANILA, Philippines - Nasa liderato ang Ate­neo sa UAAP women’s volleyball dahil sa ipinakikitang husay ni Alyssa Valdez.

Ang spiker na si Valdez ang nangunguna sa opensa matapos magtala ng 101 puntos mula sa 91 kills, 9 service aces at isang block.

May kahanga-hanga ring 45.96 percent success rating sa attacks si Valdez kaya’t hirap ang mga nakatapat ng Lady Eagles upang manatiling malinis matapos ang limang laro.

Ang 6’1 na si Dindin Santiago ng host National University ang nasa ikalawang puwesto sa iskoring sa kanyang 94 puntos mula sa 74 attacks,13 service aces at 7 blocks.

Si Santiago na dating kakampi ni Valdez sa UST noong sila ay nasa high school pa lamang ay na­ngunguna sa service sa 0.62 average per set.

Ang kasamahan sa Lady Bulldogs na si Myla Pablo ang nasa ikatlong puwesto sa 85 puntos, si Rosemarie Vargas ng FEU ang nasa ikaapat sa 65 puntos habang si Fille Cainglet ng Ateneo ang nasa ikalimang puwesto sa 57 puntos.

Ang  nagdedepensang La Salle ay nagpapakita ng tibay sa depensa nang ang mga higanteng sina Abigail Marano at Mika Reyes ay nasa unang dalawang puwesto sa blocks sa 0.82 at 0.76 average per set.

Ang nagbabalik na si Jen Reyes ng Lady Bulldogs ang una sa digs sa 3.10 average at receiving sa 36.62 efficiency rating habang si Loren Lantin ang nangunguna sa setting sa 6.33 average per set. 

 

Show comments