OKLAHOMA CITY --Sa kanyang ikatlong sunod na laro bilang interim coach, iginiya ni P.J. Carlesimo ang Brooklyn Nets sa isang malaking 110-93 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.
Umiskor si Joe Johnson ng season-high 33 points, habang nagtala si Deron Williams ng 19 points at 13 assists para wakasan ng Nets ang 12-game home winning streak ng Thunder sa Oklahoma City.
Itinampok sa laro ang unang pagpapatalsik sa laro ni Kevin Durant.
Nagtayo ang Nets ng isang 23-point lead sa dulo ng second quarter bago nakatabla ang Thunder sa 85-85.
Isang 23-8 atake ang ginawa ng Brooklyn para muling kontrolin ang laro, samantalang napatalsik naman sa laro si Durant dahil sa pakikipagtalo kay referee Danny Crawford matapos tawagan ng technical foul ang kakamping si Kendrick Perkins.
“I just thought it was a bad call. You get frustrated throughout a game, you show emotion. That’s how you can tell you love it,’’ sabi ni Durant, nagposte ng 27 points para sa Thunder.
Hindi pa nasisibak sa isang laro ang three-time scoring champion na si Durant sa kanyang anim na NBA seasons.
Nagdagdag si Brook Lopez ng 25 points para wakasan ng Brooklyn ang kanilang seven-game losing slump.