MANILA, Philippines - Sa pagkilala sa kontribusyon sa bansa ng mga world class boxers, ilang panukalang batas ang inilatag sa Senate para protektahan ang mga kagaya nina Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr., na magbibigay sa kanila ng cash incentives at titiyak na may masasandalan sila sa oras na sila ay magretiro.
Kabilang sa Senate Bills na ikinukunsidera ay ang Senate Bill 3254 na bubuo sa Philippine Boxing Commission (PBC) na mangangalaga sa kapakanan ng mga Filipino boxers.
Ito ay mula sa sponsorship ni Committee on Games and Amusement chairman Sen. Aquilino Pimentel III bago ang Christmas break ng Senado.
“Their (boxers) achievements in the ring show that Filipino boxers possess superior physical strength, skills, and talents which, if given the proper support of the State, will ensure these promising boxers top ranks in the world boxing arena,” pahayag ni Pimentel sa kanyang sponsorship speech.
“Sa kasalukuyan, ang boxing ay nasa ilalim ng Games and Amusement Board na ayon kay Pimentel ay nabigong bigyan ng sapat na suporta ang mga boksingero.
Para sa PBC, ito ay magiging isang policy making body para sa sport at magbibigay ng tamang direksyon para sa pangangalaga sa mga boxers, coaches, trainers at stakeholders.
Ito ay sasailalim sa Office of the President at magkakaroon ng kapangyarihan na magbalangkas ng uniform rules at procedures para sa boxing at makikipagtulungan para sa pagkakaroon ng mga world-class professional boxers.
Poprotektahan din nito ang mga boksingero hinggil sa physical at financial exploitation at magbibigay sa mga ito ng health care benefits, life insurance, alternative livelihood program, at iba pang benepisyo para sa mga nanalo sa international boxing events.
Isang medical advisory board ang itatayo para tulungan ang Commission kaugnay sa kalusugan at proteksyon ng mga boksingero.