MANILA, Philippines - Mula sa Barako Bull ay igigiya naman ni coach Junel Baculi ang Globalport ni team owner Mikee Romero.
Pormal na inihayag kahapon ni Romero ang paghirang niya kay Baculi bilang bagong head coach ng Batang Pier matapos sibakin si interim mentor Glenn Capacio na inihatid ang Globalport sa nakadidismayang 1-13 win-loss record sa 2012-2013 PBA Philippine Cup.
“I’m grateful to Glenn for accepting the challenge as our interim coach and laying the foundation of the team. He’s very humble and down-to-earth person,” wika ni Romero kay Capacio.
Ang Meralco Bolts ni Ryan Gregorio ang tanging koponang tinalo ng Batang Pier ni Capacio sa naturang torneo.
Tinulungan naman ni Baculi, ang mentor ng Philippine team na sinuportahan ni Romero at nag-uwi ng gold medal mula sa Southeast Asian Games noong 2007, ang Energy Colas na makapasok sa semifinal round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup.
“I’m grateful to Glenn for accepting the challenge as our interim coach and laying the foundation of the team. He’s very humble and down-to-earth person,” wika ni Romero.
Hindi naman mawawalan ng trabaho si Capacio, ayon kay Globalport basketball operation chief Erick Arejola, dahil siya ang magiging first assistant coach ni Baculi sa Batang Pier.
Bunga na rin ng pagkakaroon ng injury ni star player Gary David, nahirapan ang Globalport na makipagsabayan sa mga koponan sa PBA Philippine Cup kung saan sila ang unang napatalsik.
Nakatakdang simulan ni Baculi ang unang team practice ng Globalport sa Moro Lorenzo gym sa Ateneo.
Para sa darating na PBA Commissioner’s Cup na pinagharian ng B-Meg, ngayon ay San Mig Coffee, isang magaling na import ang hinahanap ngayon ng Batang Pier. (RCadayona)