Tutal uso naman ang prediksyon sa 2013, kaya makikiuso rin ako.
Sa 2013, ang prediksyon ko ay ang pagwawakas ng career ni Manny Pacquaio at ang pagsikat pa ni Nonito Donaire.
Kung sabagay ay hindi na ito prediksyon, halata naman na hindi na magtatagal pa si Pacquiao sa boksing matapos siyang talunin ni Timothy Bradley at pabagsakin ni Juan Manuel Marquez. Mahirap man sabihin pero nalalapit na ang katapusan ni Manny sa boksing.
At ang boksingero na sumasalo sa mga pagkatalo ni Pacquaio ay walang iba kungdi si WBO super bantamweight champion Nonito Donaire na may record na 31-1, 20 KO’s. Kumpara kay Pacquiao, maganda ang taong 2012 ni Donaire na kinakitaan ng pamamayagpag ng career. Napanalunan ni Donaire ang kanyang apat na laban. Ito ay kahit pa tinalo niya ang mga matatanda nang sina Jorge Arce at Toshiaki Nishioka.
Ang mahalaga, tinatalo ni Donaire ang sinumang boksingero na iakyat ni Bob Arum sa ring, habang si Pacquiao naman ay natatalo. Noong nakaraang taon, mataas ang ratings ng mga laban ni Donaire sa HBO. Katunayan, kada laban ay mas tumataas ang kanyang rating na ang ibig sabihin ay nagiging popular si Donaire sa mga audience.
Ibig sabihin, malalagpasan na ni Donaire ang popularidad ni Pacquiao sa 2013.
Maaaring isa pang malaking laban at panalo ang kinakailangan para malagpasan na ni Donaire si Pacquiao, pero hindi ito imposible. Sa pinatutunguhan ng career ni Donaire, siguradong sa kalagitnaan pa lamang ng taon ay nagawa niya na ito.
Isang malaking factor dito ay ang mahusay na match-making na ginagawa ng promosyon ni Arum. Inilalalaban ni Arum si Donaire sa halos lahat ng mahuhusay na boksingero. Ang ibig sabihin ay halos kapantay lamang niya ang matching, tulad nina Guillermo ‘El Chacal’ Rigondeaux at Abner Mares.
Bagama’t may balita na ilalaban ni Arum si Donaire kay super bantamweight champion Rigondeaux (11-0, 8 KOs), ito ay hindi mangyayari ngayong taon.
Hindi na magtatagal at ihahayag ni Arum na si Donaire ay ililinya na bilang pay per view fighter, at kung mangyayari ito, kinakailangang handa na si Donaire.