MANILA, Philippines - Nagpakita ng katatagan sa second set si Frances Angela Santiago upang masama sa mga nanalo sa unang laro sa pagbubukas kahapon ng 24th Andrada Cup tennis tournament sa Rizal Memorial Tennis Center kahapon.
Napalaban si Santiago kay Samantha Um sa ikalawang set pero sapat ang naipakitang husay sa tie-break upang angkinin ang 6-3, 7-6(2) panalo sa girls 16-under division.
Wala namang hirap na narating nina Chloe Mae Saraza at Monica Therese Cruz ang second round matapos ang walkover wins laban kina Ysay Jardelesa at Kathrine Manuela.
Sunod na kalaban ni Santiago si fifth seed Khim Iglupas na nag-bye sa first round kasama ang iba pang seeded players na sina number one Roxanne Resma, second seed Maia Balce, third seed Nicole Amkstad at fourth seed Isabelle Orteza.
Sina Saraza at Cruz ay masasalang sa unang opisyal na laro laban kina sixth seed Ma. Dominique Ong at Resma bukas.
Nanguna naman si Joseph Michael Abellanosa sa mga nanalo sa kalalakihan sa torneong inorganisa ng Philippine Tennis Association (Philta) para sa dating pangulo na ngayon ay PSC commissioner Salvador Andrada.
Si Abellanosa ay nanalo sa straight sets laban kay Ivan Lazaro,6-4, 6-3, sa boys 18-under.
Nanalo si Vincent Alanis kay Edward Choy, 6-3, 6-1, habang si Jose Nicholas Cano ay umukit ng 7-6(4), 6-1, panalo sa isang linggong palaro na may basbas din ng Dunlop Fort All Court Balls, PSC, First Solid Group, St. Luke’s Medical Center at Sagip Bayan Foundation.