5-PBA teams magsasanay na

MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay pi­naghahandaan na ng li­mang koponan ang dara­ting na 2013 PBA Commissioner’s Cup sa buwan ng Pebrero.

Nag-iskedyul na ng team practice ang bagong head coach ng Barangay Ginebra San Miguel na si Alfrancis Chua sa Xavier Gym sa San Juan, samantalang sisimulan naman ng Barako Bull ni Bong Ramos ang kanilang preparasyon sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong.

Nakatakdang dumating sa bansa ang reinforcement ng Gin Kings na si Herbert Hill sa Enero 6 at kasalukuyan pang naki­kipag-usap ang Energy Cola sa manager nina NBA veteran Al Thornton at da­ting ABL player Evan Brock.

Itatampok sa PBA Commissioner’s Cup, pinagha­rian ng B-Meg Llamados, ngayon ay San Mig Coffee MIxers, ang mga imports na may unlimited  height.

Muling ibabandera ng Mixers si Best Import Denzel Bowles para sa kanilang pagtatanggol sa korona.

Ipaparada ng Boosters ni Olsen Racela si dating New York Knicks Renaldo Balkman, habang nakiki­pag-usap naman ang Express ni Franz Pumaren kay dating Memphis Grizzlies player Michael Dunigan.

Ang Globalport ni Junel Baculi ay nakikipag-negosasyon kay dating Houston Rockets reserve Justin Williams at nahugot naman ng Meralco ni Ryan Gregorio si Eric Dawson.

Show comments