MANILA, Philippines - Makikita ang dedikasyon ng bagong pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) sa isasagawang dalawang araw na planning session.
Ang pagpupulong na bukas lamang sa POC ay gagawin mula Enero 8 hanggang 9 at inaasahang ilalatag sa pagpupulong na ito ang balak ng bagong liderato para maisaayos ang Philippine Sports.
Mauupo sa ikatlong sunod na termino si Jose Cojuangco Jr. bilang pangulo pero may mga bagong dugo ang lumusot sa halalan na pinaniniwalaang makakatulong para umayos ang palakasan ng bansa.
“I feel we have a good team now at the POC,” wika ni triathlon president Tom Carrasco Jr. na mauupo sa unang pagkakataon bilang chairman ng National Olympic Committee.
Hinihingi rin ni Carrasco sa lahat ng nasasakupan ng POC na bigyan sila ng pagkakataon na makapagtrabaho at ang pangunahing isasaalang-alang ay ang tulungang maibangon ang Philippine Sports.
Pangunahing torneo na pinaghahandaan ng bansa ay ang SEA Games sa Myanmar na kung saan ang bansa ay magbabakasakaling bumangon mula sa pinakamasamang pang-anim na puwesto sa standing bitbit ang 36 ginto, 56 pilak at 77 bronze medals.
“I am hopeful that a strong sports organization will come out after the two-day planning session,” wika pa ng chairman.