Oo, kailangan ng San Mig Coffee ang two-time Most Valuable Payer na si James Yap na siya nilang main offensive weapon sa Philippine Basketball Association.
Pero puwede din naman silang manalo sakaling hindi makapaglaro si Yap.
Ito ang pinatunayan ng Mixers nang magwagi sila kontra Rain or Shine, 79-67 sa Game Five ng kanilang best-of-seven semifinals series sa Philippine Cup noong Sabado sa Mall of Asia Arena.
Do or die ang labang iyon para sa mga bata ni coach Tim Cone. Kasi nga’y papasok sa laban ay lamang ang Elasto Painters sa serye, 3-1 at kung magwawagi ang Rain or Shine ay didiretso na ito sa best-of-seven championship round. Matatapos na ang torneo para sa San Mig Coffee. Magbabakasyon na sila gaya ng anim na iba pang koponang hindi na nakasali sa labanan para sa kampeonato bago pa man umabot ang Pasko.
Kumbaga’y umabot nga ng Pasko ang San Mig Coffee pero hindi lumampas ng 2012. At iyon ang nais na maiwasan ng Mixers.
Ang siste’y back-against-the-wall na nga sila, nanlamlam pa ang kanilang tsansa matapos na masampal ng ikaapat na foul si Yap bago natapos ang first half. Lamang lang ng dalawang puntos ang Mixers sa halftime, 31-20.
Pagkatapos ay tila nagdilim ang kalangitan para sa Mixers dahil sa umpisa pa lang ng third quarter ay nakamit ni Yap ang kanyang ikalimang foul nang pilitin niyang pigilan si Jireh Ibañez.
Kinailangang iupo ni Cone si Yap may higit na siyam na minuto pa ang nalalabi sa ikatlong yugto ng laro.
Biruin mo iyon? Mahigit 20 minuto pa ang lalaruin pero nakaupo ang superstar. Walang magawa ang main man kundi mag-cheer sa bench.
Mabuti na lang at nag-step up ang mga kakampi ni Yap. Lumabas ang lalim ng bench ng San Mig Coffee dahil sa kumamada ang mga tulad nina Joe DeVance, Marc Pingris, Peter June Simon at Mark Barroca na pawang nagtapos na may double figures sa scoring upang punan ang dadalawang puntos na naitala ni Yap.
Well, papasok sa laro ay nasabi ni Rain or Shine coach Joseller ‘Yeng’ Guiao na marami siyang bala at fresh ang kanyang mga bata. Hindi tulad ng Mixers na mahahaba ang playing time. Pinuna pa nga ni Guiao ang pangyayari na si Yap ay naglaro ng 42 minuto sa Game Four kung saan natalo ang San Mig Coffee.
Well, sa Game Five ay hindi nga mahaba ang playing time ni Yap pero nakabawi ang San Mig Coffee.
Ibig lang sabihin ay puwede naman talagang manalo ang Mixers kahit pa bawasan ni Cone ang exposure ni Yap. Marami namang ibang manlalarong puwedeng pakinabangan.
Marahil ay puwedeng ituring na blessing in disguise ang pagkakaroon ni Yap ng foul trouble sa Game Five. kahit paano ay nagising ang mga kakampi niya na hindi lang siya ang dapat na asahan nila nang husto.
Kasi nga, kahit pa may superstar ang isang koponan, ang basketball ay limahan at team game. Hindi isahan ang labanan.
Kung maraming sandata ang Rain or Shine, mas maraming sandata ang San Mig Coffee. Hindi nga lang ginagamit nang husto ni Cone.