MANILA, Philippines - Asahan na magiging palaban uli ang San Miguel Beermen sa ikaaapat na taon ng ASEAN Basketball League.
Pumangalawa ang Beermen sa Indonesia Warriors nang naisuko nila ang homecourt advantage nang tanggapin ang 76-78 pagkatalo sa Game Three ng finals.
Nagpalakas ang Beermen sa taong ito at kumuha ng solidong panuporta kay Leo Avenido para makuha na ang mailap na korona sa ikawang taon ng paglalaro sa regional basketball league.
Sina Paul Asi Taulava at Eric Menk ay nasa Beermen, habang ang mga imports ay sina Gabe Freeman at Brian Williams.
Si Freeman ay dating naglaro sa Philippine Patriots at napagkampeon niya ito sa unang taon noong 2009.
Sa kabilang banda, si Williams ang dating import ng KL Dragons na umabot ng Final Four pero natalo sa Beermen para tumapos sa ikaapat na puwesto.
Nag-average ng 20 puntos, 14.31 rebounds, 2.56 assists at 1 steals, si Williams ay nasasabik na masali sa Beermen at nangako siyang gagawin ang lahat para mapagkampeon ang koponan.
Kung magagawa niya ito, makakatikim din ng kauna-unahang titulo sa kanyang ABL career si Williams na bumibiyahe na patungong Pilipinas.
“Heading to Philippines to continue pursuing my dream. I will give my best to help my San Miguel Beermen family win the ABL championship,” wika ni Williams sa kanyang official twitter. Si Freeman ay inaasahang parating na rin.
Patuloy naman ang pagsasanay ng mga locals at kahapon ay sumalang sila sa tune-up game laban sa Cebuana Lhuillier na kanilang tinalo, 79-62.
Sa Enero 11 magbubukas ang ABL at ang opening game ay gagawin sa Mahaka Square at katatampukan ang tagisan ng Warriors at Beermen sa ganap na alas-7 ng gabi Indonesia time.