Donaire-Mares fight lumalabo

MANILA, Philippines - Ang pagiging magkaribal ng kani-kanilang mga promoters ang posibleng magtulak para hindi matuloy ang kinasasabikang tagisan sa pagitan nina Nonito Donaire Jr. at Abner Mares sa 2013.

Naunang sinabi ni Donaire na nais niyang  makaharap ang Mexicanong si Mares bilang kanyang unang laban  at  ganito rin ang nararamdaman ng  napupusuang karibal.

Pero nagpapakatotoo lamang si Mares nang  sabi­hing hindi  gaanong naniniwalang mangyayari ito dahil sa katotohanang magkaiba sila ng promoters.

Ang Top Rank ang  may hawak kay Donaire habang ang Golden Boy Promotion ang may tangan  kay Mares. Kilalang magkaribal ang dalawang promoter at walang nangyaring tagisan sa pagitan ng boksingero ng Top Rank at Golden Boy na nagsimula noong pag-agawan nila ang serbisyo ni Manny Pacquiao.

“My promoter (Golden Boy) and Top Rank said they are pushing for this fight.  To be frank, I’m hopeful that they can do it,”  wika ni Mares na kampeon ng WBC super bantamweight division.

Kung mangyari ito, magiging isang unification fight ang tagisang Mares at Donaire na siyang gusto ng ‘Filipino Flash’.

Pero hindi maghihintay si Mares  ng mahabang panahon at handang tumanggap ng laban sakaling lumabo ang sinisipat na tagisan.

Ang walang talong si Leo Santa Cruz na hari sa IBF bantamweight division ang kanyang haharapin kung malabo ang laban kay Donaire.

Si Mares ay may 25 panalo at isang tabla at nakuha niya ang   WBC title nang hiritan ng unanimous decision si Eric  Morel noong Abril bago isinunod si Anselmo Moreno noong Nobyembre.

 

Show comments