MANILA, Philippines - Lumabas uli ang galing ng UE sa fencing nang dominahin ang lahat ng events na pinaglabanan sa UAAP Season 75.
Napanatili ng UE ang kampeonato sa kababaihan sa ikapitong sunod na taon habang tinapos ng Warriors ang tatlong taon na walang kampeonato ang kalalakihan.
Ito ang ikawalong titulo ng UE sa kalalakihan sa kabuuan.
Ang junior warriors ay nagkampeon pa sa ikatlong sunod na titulo habang ang girls ay nanalo sa ikalawang sunod na taon.
Sa kabuuan, ang UE ay mayroon ng 20 fencing championships sa 13 taon sa liga.
Si Nathaniel Perez ang lumabas bilang Most Valuable Player (MVP) at Rookie of the Year sa kanyang apat na ginto sa individual epee at foil at team foil at epee.
Si Justine Gail D. Tinio ang MVP at ROY sa kababaihan sa tatlong ginto sa individual foil at team epee at foil; si Francois Nowell Licono na MVP sa boys division sa gold medal sa individual foil at team epee at foil; Samuel L. Tranquilan, ROY sa gold sa team foil; Divine P. Romero, MVP sa limang ginto sa individual foil at epee at team epee, foil at sabre at Mickyle Rein Bustos, ROY at gold sa team epee at bronze sa individual epee.