MANILA, Philippines - Kung may boksingero mang nagpaningning sa Pilipinas sa world boxing scene, ito ay walang iba kundi si world four-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Apat na malalaking panalo ang inilista ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire, nakabase ngayon sa San Leandro, California, sa 2012 para palakasin ang kanyang tsansa na hirangin bilang 2012 Fighter of the Year.
“I’m always proud to carry the Philippine flag, always proud of being a Filipino and whatever things that I can give to make my country proud, I’m going to give it. Whether it is an exciting fight for the fans or an inspiration to them,” ani Donaire. “I’m always proud to raise my flag which is the Philippine flag.”
Ang mga naging biktima ni Donaire (31-1-0, 20 KOs) ay sina Wilfredo Vazquez, Jr. (22-2-1, 19 KOs) ng Puerto Rico, Jeffrey Mathebula (26-4-2, 14 KOs) ng South Africa, Toshiaki Nishioka (39-5-3, 24 KOs) ng Japan at Jorge Arce ng Mexico (61-7-2, 46 KOs).
Umiskor ng isang split decision win si Donaire kontra kay Vazquez para angkinin ang bakanteng WBO super bantamweight title noong Pebrero 4 sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Matapos ang 12 rounds, tumanggap si Donaire ng 117–110 at 117-110 iskor, habang 115–112 naman ang nakamit ni Vázquez, natikman ang kauna-unahang knockdown sa kanyang professional career nang mapatumba sa ninth round.
Isang unanimous decision victory naman ang itinala ni Donaire laban kay Mathebula noong Hulyo 7 para sa WBO at IBF super bantamweight crowns.
Sa nasabing laban na idinaos sa Home Depot Center sa Carson, California. pinatumba ni Donaire si Methebula sa round four kung saan nabasag ang panga ng South African fighter.
Matapos naman ang tatlong buwan, nagbalik si Donaire sa Home Depot at pinatigil si Nishioka sa ninth-round para sa WBO super bantamweight belt noong Oktubre 13.
Mula sa dalawang beses na pagpapahalik sa kanya ni Donaire sa lona, pumasok ang corner ni Nishioka sa loob ng boxing ring para ipahinto ang laban sa referee sa ninth round patungo sa kanyang Technical Knock Out victory.
Kasunod nito ay ang pagreretiro ng 36-anyos na si Nishioka.
Ang kanyang pinakahuling tinalo ay ang kaibigang si Arce mula sa isang third-round KO win para sa nasabi ring korona noong Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Bago ihulog si Arce sa huling segundo sa third round ay nauna na siyang pinabagsak ni Donaire sa second round at sa kaagahan ng third round.
Ang $1 milyon sa kanyang panalo kay Arce ang pinakamalaking prize money na natanggap ng 30-anyos na si Donaire, nagkampeon sa bantamweight (WBO), naging interim super flyweight (WBA) at naghari sa flyweight (IBF).
Hindi pa natatalo si Donaire, ang IBF at IBO flyweight ruler, sa nakaraang 11 taon.