MANILA, Philippines - Isa lamang kina Guillermo Rigondeaux ng Cuba at Abner Mares ng Mexico ang maaaring sagupain ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa 2013.
Ayon kay Robert Garcia, ang chief trainer ng 30-anyos na si Donaire (31-1-0, 20 KOs), handang harapin ng tubong Talibon, Bohol ang sinuman sa 32-anyos na si Rigondeaux (11-0, 8 KOs) at 27-anyos na si Mares (25-0-1, 13 KOs) sa susunod na taon.
“I think Mares deserves the fight. Rigondeaux is out there too,” sabi ni Garcia. “Donaire is willing to face all of those guys.”
Patuloy na hinahawakan ni Donaire ang WBO at IBF super bantamweight titles, samantalang suot naman ni Rigondeaux ang WBA belt at bitbit ni Mares ang WBC crown.
Sinabi ni Garcia na tanging sina manager Cameron Dunkin at Bob Arum ng Top Rank Promotions ang makakapagdesisyon kung sino kina Rigondeaux at Mares ang sasagupain ni Donaire.
“I leave that up to Cameron and Top Rank (Promotions). They pick the fights and I get him (Donaire) ready for those fights,” wika ni Garcia.
Apat na panalo ang kinuha ni Donaire ngayong 2012 para palakasin ang kanyang pag-asang makilala bilang 2012 Fighter of the Year.
Ang mga binigo ni Donaire ay sina Wilfredo Vazquez, Jr. (split decision) ng Puerto Rico, Jeffrey Mathebula (unanimous decision) ng South Africa, Toshiaki Nishioka (ninth-round TKO) ng Japan at Jorge Arce (third-round KO) ng Mexico.
Dumating noong nakaraang linggo sa Pilipinas si Donaire, nakabase sa San Leandro, California, para magbakasyon.
At kasama dito ang pagbisita niya kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa Malacañang para sa isang courtesy call noong nakaraang linggo.