MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni businessman/sportsman Manuel V. Pangilinan ang patuloy na pagkakaisa at bukas na komunikasyon sa lahat ng sektor na nagmamahal sa basketball upang mapagtagumpayan ang mga planong gagawin sa susunod na apat na taon.
Si Pangilinan at iba pang opisyales ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay binigyan ng bagong apat na taong termino ng mga nasasakupan sa isinagawang SBP National Congress kahapon sa Meralco Multi-Purpose Hall sa Pasig City.
Sina incoming POC chairman Tom Carrasco Jr. at secretary-general Steve Hontiveros ang sumaksi sa kaganapan na dinaluhan ng 41 mula sa 65 miyembro ng SBP upang magkaroon ng quorum at maidaos ang halalan
Binanggit ni Pangilinan na naging mapanghamon ang unang apat na taon ng kanyang pamumuno sa SBP dahil may mga tumutuligsa sa kanya at may mga tagumpay at kabiguang nalasap ang mga Pambansang koponan na naglaro sa mga torneo sa labas ng bansa.
Ngunit nakikita niya na magiging produktibo na ang basketball ng bansa dahil ang Board of Trustees na binubuo ng 25-katao ay kinakatawan ng mga nagmamahal sa sport at mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Pero para mangyari ito, kailangang nilang magkaisa sa isang direksyon at patuloy na buksan ang kanilang komunikasyon para agarang maresolba ang posibleng problema na kanilang kakaharapin.
“In striving for the goal of better Philippine basketball in the next four years, dialogue and communication with the stakeholders of basketball in this country must be broadened and encouraged. We continue to see this need for cooperation in the formation of national teams where scheduling issues arises,” wika ni Pangilinan.
Makatuwang niya uli sina Misamis Oriental Governor Oscar Moreno, Ricky Vargas, Dr. Jay Adalem at Atty. Marievic Anonuevo sa pagpapatakbo sa SBP bilang chairman, vice chairman, treasurer at board secretary.
Isa sa agarang plano ni Pangilinan ay ang pagpapatawag ng strategic planning meeting para mailatag ang mga programang kanilang gagawin sa susunod na apat na taon.
Napagdesisyunan din sa pagpupulong ang pagpapalawig sa membership ng SBP na aabot na sa 160 dahil sa pagtanggap ng 32 bilang regular at 11 associate members.