PSC Sports For All sa Luneta

MANILA, Philippines - Gagamitin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kilalang pasyalan na Luneta para maidaos ang malawakang kampanya na “Sports For All” sa papasok na taon.

Tatawagin ito bilang Laro’s Saya sa Luneta, ang program ay gagawin tuwing Linggo mula ika-5 hanggang 10 ng umaga sa kabuuan ng 2013 at katatampukan ito ng mga kaganapan para sa mga seryosong atleta o mga taong nais magpakondisyon.

“Layunin nito ang makaengganyo ng mga tao na pumasok sa sports lalo na ang mga kabataan. Maaari ring gamitin ito para mapalakas ang bonding ng bawat pamilya na magsasama-sama tuwing linggo at nagsasaya sa iba’t-ibang sports activities,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.

Ang mga sports na puwedeng salihan ay sa football, taekwondo, karatedo at chess habang ang mga itinalaga bilang recreational activities ay ang arnis, tai-chi ng wushu, mass aerobics, kite flying at tug-of-war.

Para matiyak ang tagumpay ng proyekto, ang PSC ay humingi rin ng tulong sa ibang sektor tulad ng National Parks Development Committee at sa National Youth Commission, Sangguniang Kabataan at mga Local Government Units sa National Capital Region.

 

Show comments