Zheng malapit na maging Pinay

MANILA, Philippines - Nananalig ang pamu­nuan ng national wo­men’s basketball team na gagalaw na ang naturalization process para kay Chinese player Zheng Xiaojing.

Ang 6’3 na si Zheng na nasa bansa mula noong 2010 ay sinisipat na maisama sa Pambansang koponan para lumakas ang puwersa sa ilalim.

Gumalaw na ang pa­pe­les ni Zheng dahil ang House Bill 2683 ay naka­pasa na sa Kongreso sa ikatlong reading noong Agosto at pumasa na rin sa unang reading sa Senado.

May nagsabi sa pamu­nuan ng Samahang Bas­ketbol ng Pilipinas na ma­a­aring mapirmahan ng Pangulong Benigno Aquino III ang House Bill bago ang kalagitnaan ng taong 2013 para makasama si Zheng sa naghahandang kopo­nan para sa Southeast Asian Games sa Myanmar.

“Pasado na ang House bill at nasa Senado na ito. May pangako sa amin na early part of 2013 ay mapipirmahan na ito ng Pangulo,” wika ni women’s coach Haydee Ong.

Sa ngayon si Zheng ay nasa Fujian pero handang bumalik kapag naayos na ang kanyang papeles para muling magsanay kasama ang women’s team.

Masidhi ang hangarin ng bansa na manalo ng ginto sa Myanmar matapos matalo sa Thailand sa overtime.

Lamang ang Pilipinas sa regulation ngunit isang error at mga sablay na free throws ang nakatulong para makabangon ang Indonesia at kunin ang 75-73 overtime panalo.

“Motivation talaga namin sa Myanmar SEA Ga­mes ang makabawi. Rebuilding kami ngayon at pagsusumikapan namin na makabuo ng malakas na team para sa SEAG,” ani pa ni Ong.

Bukod sa SEA Games, sasali rin ang koponang tinawag na Perlas sa 25th FIBA Asia Women’s Championship sa Bangkok, Thailand sa Oktubre.

 

Show comments