2 gold sa Team UAAP-Phl sa ASEAN Uni Games

MANILA, Philippines - Naisuko ni Johansen Aguilar ang titulo sa men’s 200m backstroke at ang Team UAAP-Philippines ay nakontento lang taglay ang dalawang ginto sa pagsasara ng tabing ng 16th ASEAN University Games noong Miyerkules sa Vientiane, Laos.

Gumawa lamang ng 2:09.09 tiyempo si Aguilar upang pumangalawa kay Glen Victor Sutanto ng Indonesia sa nangungunang 2:08.36 oras.

Hindi nakuha ni Aguilar ang tamang kondisyon dahil nanakit ang kanyang tiyan ilang araw bago nagbukas ang isang linggong torneo.

Nagkaganito man ay tinapos ni Aguilar ang kampanya sa pool bitbit ang dalawang pilak at dalawang bronze medals.

Si Claire Adorna ay kumubra rin ng kanyang ikalawang pilak sa larangan ng women’s 200m backstroke sa 2:27.01 oras. Si Indonesian Patricia Yosita Hapsari ang nanalo ng ginto sa 2:24.63 bilis.

Ang judoka na si Gabriel Gumila ang nagbigay pa ng isang pilak sa men’s over 81 up to 90 kilogram division at ang delegasyon ay nakontento sa 2 ginto, 12 pilak at 16 bronze medals.

Ang mga taekwondo jins na sina Christian Al dela Cruz at Ernest John Mendoza ang mga nanalo ng ginto sa delegasyon.

Naiwanan ang Pilipinas ng Singapore na umangat mula sa 1-6-23 medal tally noong 2010 tungo sa 3 ginto, 6 pilak at 23 bronze medals.

Kampeon sa taong ito ang Malaysia na may 60-45-70 medal tally kasunod ang Vietnam na may 56-35-28 at dating kampeon Thailand na may 42-51-55. Pang-apat ang Indonesia sa 41-52-57 bago sumunod ang Laos sa 30-34-44.

 

Show comments