MANILA, Philippines - Iaasa ng Team UAAP-Philippines sa balikat ni Johansen Aguilar ang posibleng ikatlong gintong medalya ng delegasyon sa pagtatapos ngayon ng 16th ASEAN University Games sa Vientiane, Laos.
Lalangoy si Aguilar sa paboritong 200m freestyle event na kung saan siya ang nagdedepensang kampeon matapos dominahin ito sa huling edisyon sa Chang Mai, Thailand.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nakapako ang bilang ng ginto ng Pilipinas sa dalawa na naihatid nina taekwondo jins Christian Al dela Cruz at Ernest John Mendoza at nangyari sa unang araw sa isang linggong torneo.
Isang pilak at tatlong bronze medals lamang ang naikarga sa medalyang napanalunan ng koponan noong Martes para bumaba na sa ikapitong puwesto sa team standing.
Sina Celina Gonzales, Jasmine Ong, Kim Uy at Claire Adorna ang mga nagtulung-tulong para kunin ang pilak sa 4x100m freestyle relay sa 4:06.39.
Ang Malaysia na pinamumunuan nina SEA Games gold medalists Siow Yi Ting at Cai Lin ang nagdomina sa event sa 4:00.49 oras.
Si Adorna na kumubra ng pilak sa 50m backstroke ay nanalo pa ng bronze medal sa 100m back sa 1:07.31 bilis.
Si Aguilar ay nagkaroon din ng bronze medal sa 100m back sa 59.83 segundo habang ang runner na si Rafael Poliquit ay pumangatlo rin sa 10,000m run sa 32:24.93.
Ang Pilipinas ay mayroong 2 ginto, 8 pilak at 13 bronze medals pero naunahan na sila ng Singapore sa 3 ginto, 4 pilak at 17 bronze medals.
Una pa rin ang Malaysia sa 50-41-50, bago sumunod ang Vietnam, 46-26-24, bago sumunod ang dating kampeon Thailand (29-40-35), Indonesia (29-38-48), Laos (29-31-34).